Posted tagged ‘talambuhay ng mga santo’

Ang Birhen ng Guadalupe

December 12, 2011

Pintakasi para sa mga hindi pa naisisilang na sanggol at ng Buhay

Araw ng Kapistahan: Disyembre 8

Madaling-araw ng Sabado, ika-9 ng Disyembre 1531.  Mula sa kanyang nayon (Tolpetiac), isang Mehikanong balo ang naglalakad patungo sa kumbento ng mga Misyonerong Pransiskano sa Tlaltelolco upang magsimba at mag-aral ng katesismo.  Walang anu-ano’y nakarinig siya ng isang malambing na awit sa burol ng Tepeyac at ng isang tinig na tumawag sa kanya. “Juanito, Juan Diegito,” wika ng tinig, “saan ka paroroon?  Ako si Mariang Mahal, laging Birheng Ina ng Diyos na totoo.  Hinahangad kong magkaroon ng isang simbahan sa pook na ito bilang tanda ng aking pag-ibig, awa, pagtulong at paglingap.  Ipatupad mo ito sa obispo ng Mexico.”  Nagpunta si Juan Diego sa lunsod ng Mexico upang isalaysay lahat kay Obispo Juan Zumarraga ang kahilingan ng Birhen, subalit hindi siya pinaniwalaan ng obispo, bagkus ay hinigan siya ng katibayan.

Sa huling pagpapakita sa kanya noong Disyembre 12, inutusan si Juan Diego ng Mahal na Birhen na magtungo sa bundok upang kumha ng mga bulaklak kahit na hindi pa panahon ng mga ito upang sumibol.  Pagbalik niya, ang Mahal na Birhen na rin ang nag-ayos ng mga rosas sa kanyang damit o balabal na kung tawagin ay tilma (isang kayo na parang sako ng bigas).  “Anak ko,” wika n Mahal na Birhen, “ito ang katibayang dadalhin mo sa obispo.  Sa kanya mo lamang ilalahad ang iyong balabal.”  Kapagdaka’y nagtungo si Juan sa obispo sa patatlong pagkakataon.  Nang makita ng obispo ang kahanga-hangang mga rosas, siya’y biglang nanikluhod, sampu ng kanyang mga kasama, at nasaksihan nila ang isang himala — ang magandang larawan ng Birhen sa tilma ni Juan Diego!

Pagkaraan, sumunod naman ang tiyuhin ni Juan na si Juan Bernardino na pinagpakitaan din ng Mahal na Birhen upang ilathala ang nais na pangalan ng Birhen: “Santa Maria ng Guadalupe Laging Birhen” — Coatalocpia sa wikang Mehikano, na nangangahulugang “nag-iingat sa ahas”.

 

ARAL:

Pagnilayan natin ang mga katagang ito ng Mahal na Birhen: “Ako ay isang Inang maawain sa iyo at sa lahat ng tao sa ibabaw ng lupa na nagmamahal at nananalig sa akin at humihingi ng aking tulong.  Dinidinig ko ang kanilang paghihinagpis at inaaliw sila sa kanilang kalungkutan at pagtitiis.”

 

Source:

Abriol, J. C. (2010). Talambuhay ng mga Santo, volume 2 (3rd ed.). Pasay: Paulines Publishing House.

San Rafael

September 29, 2011

Arkanghel

Kilala bilang: anghel na tumulong sa pamilya ni Tobias

Patron ng: mga manggagamot at nga mga manlalakbay

 

Si SAN RAFAEL ay ang Arkanghel ng mga Kristiyanong naglalakbay patungong langit.  Siya ang inatasan ng Diyos na maging gabay ng tao sa landas tungo sa ating paghahanap ng mga kayamanan ng tunay na kaligayahan na inihanda ng Diyos para sa kanyang mga anak.  Binibigyan din niya tayo ng liwanag upang makita natin at piliin ang daan ng Diyos, at tayo ay kanyang ipinagtatanggol mula sa anumang panganib maaari nating harapin sa ating paglalakbay pabalik sa Ama.  Si San Rafael ang nagturo kay Tobias kung paano gumawa ng ungguwento mula sa isang isda na siyang nakapagpagaling sa ama ng binata mula sa pagkabulag (Tob. 8:3; 12:15).

Ang kanyang pangalan ay nangangahulugang “Lunas ng Diyos”.  Madalas siyang inilalarawan bilang isang anghel na may hawak na isda, sisidlan ng langis, at tungkod ng manlalakbay.

 

 

Source:

Abriol, J. C. (2010). Talambuhay ng mga Santo, volume 2 (3rd ed.). Pasay: Paulines Publishing House

San Gabriel

September 29, 2011

Arkanghel

Kilala bilang: tagapagbalita ng Mensahe ng Diyos

Patron ng: mga communicator

 

Si SAN GABRIEL ang siyang tagapagdala ng mga balita ng pag-ibig o mga mensahe ng Diyos sa mga pinagpala at piniling nilalang.  Siya ang anghel na nagbalita sa Mahal na Birheng Maria ng plano ng Diyos sa kanya na maging Ina ng Kanyang Anak na si Jesus (Lucas 1:26-38); ang nagpakita kay Zacarias, ama ni San Juan Bautista, upang ibalita ang pagkakaroon nila ng kanyang asawang si Santa Isabel ng isang anak (Lucas 1:19-20).  Siya rin ang anghel na unang nagbalita kay Daniel nang nalalapit na Katapusan ng Daigdig (Daniel 8, 9).

Ang kanyang pangalan ay nangangahulugang “Lakas ng Diyos”.  Madalas siyang inilalarawan bilang isang anghel na may hawak na isang sanga ng mga liryo.

 

Source:

Abriol, J. C. (2010). Talambuhay ng mga Santo, volume 2 (3rd ed.). Pasay: Paulines Publishing House

San Miguel

September 29, 2011

Arkanghel

Kilala bilang: prinsipe ng mga anghel

Patron ng: mga pulis

 

Si SAN MIGUEL ang siyang Prinsipe at Pangkalahatang Pinuno ng lahat ng herarkiya ng mga Pangkalangitang Hukbo.  Siya ang kilalang Anghel na lumupig kay Lucifer at mga kampong demonyo nito noong unang himagsikan ng mga nilalang laban sa Diyos.  Kinuha ang kanyang pangalan mula sa kanyang pandigmaang sigaw na “MI-CA-EL”, na nangangahulugang: “Sino ang hihigit pa sa Diyos?”  Siya ang unang tagapagtanggol ng Mahal na Birheng Maria sa Misteryo ng Pagkakatawang Tao.  Kadalasan siyang nauugnay sa mga milagrong nagpapakita ng Kapangyarihan ng Diyos kasama ang Birheng Maria (Daniel 10:12, 12:1; Apoc. 12:7).

Madalas siyang inilalarawan bilang isang anghel na may hawak na espada o mahabang sibat at nasa aktong itatarak ito sa isang demonyong nasa paanan niya.

 

Source:

Abriol, J. C. (2010). Talambuhay ng mga Santo, volume 2 (3rd ed.). Pasay: Paulines Publishing House

Santa Bernardita

April 16, 2011

Madre

Kilala rin bilang: Santa Bernardita Soubirous; The Sleeping Saint of Nevers

Kapanganakan: 7 Enero 1884

Kamatayan: 16 Abril 1879

Araw ng Kapistahan: 16 Abril

 

Tatlong babae sa bayan ng Lourdes ang nagtungo sa parang upang kunuha ng panggatong.  Ang isa sa kanila, samantalang naghahanda upang tumawid sa sapa ng Gave, ay nakakita ng isang napakagandang babae sa malaking bato o grotto ng Massabielle; sa tindi ng takot ng dalagita ay kinuha niya ang kanyang rosaryo at nagdasal.  Ang babae ay nararamtan ng maputing damit at may hawak na rosaryo, at ito ang sabi sa dalagita: “Ipinangangako ko na gagawin kitang maligaya kung di man sa buhay na ito, ay sa kabila.  Ipagdasal mo ang mga makasalanan.  Sabihin mo sa mga pari na magpatayo ng isang simbahan sa pook na ito.  Ako ang Immaculada Concepcion!”  Ang babaeng nakaputi ay ang Mahal na Birheng Maria at ang dalagita ay si Bernardita (Bernadette).  Ang pangitaing ito ng Mahal na Birhen sa Lourdes na naganap noong Pebrero 11, 1858 ay sinundan pa ng labing-anim na ulit.

Panganay sa anim na anak nina Francisco at Luisa Subirous, si Santa Bernardita Soubirous ay isinilang noong Enero 7,1844 sa isang mahirap na angkan sa Lourdes, Pransiya.  Dahil sa karukhaan ng kanyang pamilya, siya ay hindi nakapag-aral at naging sakitin.  Maraming hirap at panunuligsa ang tiniis ng santa bago siya pinaniwalaan ng mga tao tungkol sa kanyang pangitain. Minsan, siya’y pinaghukay ng Mahal na Birhen sa tapat ng grotto.  Sa lugar kung saan siya’y naghukay, may lumabas na maliit na bukal, na unti-unting lumaki sa paglipas ng mga araw.  At sa paglaki nito’y nakilala rin ang bukal na ito dahil sa milagrosang kakayahan nito na magpagaling.  Mula nang kumalat ang balitang ito, milyun-milyong tao na ang nakarating sa dambanang ito sa Lourdes, dala ng kanilang pananampalataya sa milagrosang grotto na ito.

Siya ay pumasok sa kumbento ng mga madre sa Nevers at dito, lingid sa kaalaman ng mga tao, si Bernardita ay nabuhay sa kababaang-loob, pagtitiis at pagtupad ng mga tungkuling iniatas sa kanya ng mga pinuno.  Ang  hika at hindi gumagaling na sugat sa tuhod ay kanyang tiniis ng buong pagsang-ayon sa mahal ma kalooban ng Diyos.

Sumalangit ang kanyang banal na kaluluwa noong Abril 16, 1879.  Hanggang ngayon ay hindi pa naaagnas ang katawan ng santa at tila natutulog lamang ito, kaya’t kinilala siyang The Sleeping Saint of Nevers.

 

Abriol, J. C. (2010). Talambuhay ng mga Santo, volume 2 (3rd ed.). Pasay: Paulines Publishing House.

 


San Paterno

April 15, 2011

Ermitanyo

Kilala rin bilang: unang santo ng ika-5 siglo

Kapanganakan: 482

Kamatayan: 550

Araw ng Kapistahan: 15 Abril

 

Si San Paterno ay kilalang-kilala sa Wales, Gran Britanya, bago sumiklab ang Protestantismo.  Siya’y isinilang sa Poitiers noong 482, bunga ng pagmamahalan nina Petranus at Guena.  Sinasabi na sanggol pa si Paterno, si Petranus ay nagtungo sa Ireland upang maging monghe matapos payagan ng kanyang asawa; si Guena na ang nagpalaki kay Paterno.  Sa kanyang paglaki, sumunod din si Paterno sa yapak ng kanyang ama.  Nagtungo siya sa monasteryo ng Marnes kasama ang ilang kaibigan.  Sa Wales ay nagtatag siya ng isang monasteryo na kinaaniban ng 120 monghe.  Ito ay tinatawag na Llan-patern-vaur.

Siya ay kinonsagra bilang Obispo ng Avranches.  Matapos ang labintatlong paglilingkod bilang obispo, namuhay siya bilang ermitanyo sa Pransya, at pumanaw noong 550.

 

Abriol, J. C. (2010). Talambuhay ng mga Santo, volume 2 (3rd ed.). Pasay: Paulines Publishing House.

 


San Hermenegildo

April 14, 2011

Prinsipe, Martir

Kamatayan: 585

Araw ng Kapistahan: 14 Abril

 

Anak ng Visigodong hari ng Espanya na si Leovigildo at ni Teodosia, si Hermenegildo ay lumaki sa erehiya ng aryanismo tulad ng ibang mga Godong lumusob sa Espanya noong mga panahong iyon.  Napangasawa niya si Ingunda,  na isang mabuting Katoliko.  Ipinalalagay na dahil sa panalangin at mabuting halimbawa ni Ingunda at sa mga pangaral ni San Leandro, si Hermenegildo ay nagbagong-loob at naging Katoliko, bagay na lubhang ikinagalit ni Haring Leovigildo.  Inalisan ng hari ang kanyang anak ng lahat ng kapangyarihan at kayamanan, subalit lumaban si Hermenegildo.  Humingi siya ng tulong sa Emperador ng Constantinople at sa mga heneral sa Roma.  Nagkaroon ng labanan sa Seville.  Nang naharap sa panganib na matatalo siya, pumasok si Hermenegildo sa isang simbahan upang manalangin.  Sa pagkaawa ng hari sa kanyang anak, pinatawad niya ito at ibinalik muli sa kanya ang dating kapangyarihan.  Subalit hindi nagtagal, sa kainggitan at pakana ng kanyang madrastang si Gosvinda, na isang Aryana, si Hermenegildo ay muling ipinadakip at ikinulong sa bilangguan sa Seville – hindi dahil sa pagtataksil sa kaharian, kundi dahil sa kanyang pagiging isang Katoliko.  Ilang ulit siyang pinilit na itakwil ang kanyang pananampalataya, ngunit nanatili siyang tapat na Katoliko.

Nang isang obispong Aryano na ang pinapunta sa kanya upang mahatdan ng pakikinabang, mariing tumanggi si Hermenegildo at nagsabing: “Nakahanda akong itakwil ang lahat – setro at buhay – kaysa tumalikod sa katotohanan.”  Sa galit ng kayang ama, iniutos niya ang pagpugot ng ulo ni Hermegildo noong 585.

Sinasabi ni San Gregorio Magno na ang pagbabalik loob ni Leovigildo at ng kanyang mga tauhan ay utang na loob sa mga panalangin ni San Hermenegildo.

 

Abriol, J. C. (2010). Talambuhay ng mga Santo, volume 2 (3rd ed.). Pasay: Paulines Publishing House.

 



Follow

Get every new post delivered to your Inbox.