San Severino

Kapanganakan: c. 420

Kamatayan: c. 482

Araw ng Kapistahan: 8 Enero

 

Si San Severino ay nabuhay noong mga panahong ang Timog Europa ay sinasalakay ng iba’t ibang pangkat ng mga barbaro tulad ng mga Huno at Godo.  Nang panahong iyon ipinakita niya ang kanyang pag-ibig sa Diyos sa pangangaral ng Batas ng Diyos at pagsasanggalang sa katiwasayan at kapayapaan ng mga bayan-bayan.  Siya’y hiningan ng payo at tulong ng mga hari at alipin, ng mga mayayaman at dukha, at ng mga marurunong at mangmang.  Ang mga bayang nakinig sa kanyang mga tagubilin ay naligtas sa pagsalakay ng mga barbaro; ang hindi ay napahamak.

Si San Severino ay hindi pari at hindi rin obispo; walang nakababatid ng bayan niyang tinubuan, bagama’t siya’y nangaral sa Noricum (ngayon ay Austria) at doo’y nagtatag ng ilang monasteryo sa tabi ng iog Danube.  “Saang bayan kayo galing?” minsang itinanong ng kanyang mga alagad.  Sumagot siya, “Kung naniniwala kayong ang langit na bayan ang aking hinahangad, bakit pa ninyo itatanong iyan?”  Minsa’y nakasalubong niya ang isang pulutong ng mga lalaking magpapatala sa Hukbong Romano, sinabo niya sa isa, “Nararamitan ka ngayon ng balat ng hayop, darating ang araw na ikaw ay magdadamit-hari at pangangasiwaan mo ang kayamanan ng daigdig.”  Hindi nagtagal, ito’y naging si Haring Odoacro ng Italya.  Sinabi minsan ni Odoacro kay San Severino, “Ngayong nagkatotoo ang inyong hula, ano ang nais ninyo sa akin?”  Hiningi niya ang kalayaan ng ilang mga bihag.

Sinugpo rin ni San Severino ang paglaganap ng kamalaian ng Aryanismo na tutol sa pagka-Diyos ni Cristo.  Matapos ang isang maningning na paglilingkod sa Diyos at Bayan, ang matapang at banal na alagad ng Diyos ay nahimlay sa kanyang kapayapaan noong taong 482, na ang huling wika ay “Purihin ang Diyos ng lahat ng mga bansa.”

Pagkaraan ng anim na taon napilitan ang kanyang mga mongheng dalhin ang kanyang bangkay sa Naples dahil sa pagsalakay ng mga barbaro.

 

ARAL:

Sikapin nating maging bayani hindi lamang ng Bayang-lupa kundi ng Bayang-langit din.  Ang sa una’y may katapusan; ang ikalawa’y wala, sa piling ng kabuti-butihang Diyos.

Tumugon sa ating pangalang “Kristiyano”, ibalangkas natin ang ating pamumuhay sa mga simulain at aral ni Cristo.  Kailanman ay di tayo mabubuhay na Kristiyano kung ang ating mga isipan ay tigib ng mga simulating di-Kristiyano at labag sa aral ni Cristo.


Abriol, J. C. (2010). Talambuhay ng mga Santo, volume 2 (3rd ed.). Pasay: Paulines Publishing House.

 

 

 

Explore posts in the same categories: Mga Santa at Santo sa Araw-Araw

Tags: , , , , , , , , , , , , ,

You can comment below, or link to this permanent URL from your own site.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s


%d bloggers like this: