San Vicente Ferrer

Propesor ng Pilosopiya, Misyonero

Kilala rin bilang: Anghel ng Paghuhukom (Angel of the Apocalypse)

Kapanganakan: 1350

Kamatayan: 5 Abril 1419

Araw ng Kapistahan: 5 Abril

Pintakasi: ng mga tagapagtayo (builders)

 

Sa isang sanggol na sumilang sa Valencia, Espanya noong 1350 ay inihasik sa kanyang mga magulang ang tatlong bagay: ang matimyas na pagmamahal sa Diyos, sa Mahal na Birhen at sa maralita.  Ang ibinunga nito’y si San Vicente Ferrer, ang mapaghimalang propeta at “anghel ng paghuhukom.”  Ang isang daigdig na lipos na karangalan at kayamanan ay kanyang tinalikdan upang maging kasapi sa Orden ni Santo Domingo at pagkaraa’y naging propesor ng pilosopiya sa pinakatanyag na Universidad ng Lerida, Catalonia.  Naging konsehero rin siya nina Haring Juan ng Aragon at Pedro de Luna (Papa sa Avignon).  Samantala, ang katanyagan ni Vicente ay lumaganap sa lahat ng panig.  Dinudumog siya ng mga tao para sa kanyang pangangaral.

Noong Oktobre 3, 1398, nagkaroon siya ng isang pangitain; nagpakita sa kanya ang Panginoon, kasama sina Santo Domingo de Guzman at San Francisco ng Assisi, na inuutusan siyang mangaral sa mga tao.  Naglakbay siya sa mga bayan sa Espanya, Pransiya, Inglatera, Ireland, Scotland, Flanders at Italya upang ipangaral ang apat na huling hantungan ng tao — ang kamatayan, paghuhukom, impyerno, at langit.  Maraming Hudyo, Moro at erehe ang nagbalik-loob sa Diyos at nagsisi sa kanilang pagkakasala.  Sa Granada, may 8,000 Moro ang naging Kristiyano; sa Salamanca, ang isang Templong Hudyo ay ginawa niyang templong Kristiyano.  Sinasabi na minsa’y binuhay niya ang isang patay upang mapatunayan lamang ang kanyang sinasabing katotohanan.  Bago siya pumanaw ay nasaksihan pa niya ang katapusan ng Great Schism at ang pagkakahalal kay Papa Martin V.

Dahil sa dami ng nagawa niya para sa pagpapatatag sa Santa Iglesiya, siya ay kinikilala bilang pintakasi ng mga tagapagtayo (builders).

Namatay si San Vicente sa Pransiya noong Abril 5, 1419.

 

Abriol, J. C. (2010). Talambuhay ng mga Santo, volume 2 (3rd ed.). Pasay: Paulines Publishing House.

n.a.  (2008). St. Vincent Ferrer. In Catholic Saints. Retrieved April 1, 2011, from http://www.catholic.org/saints/saint.php?saint_id=723

 

 

Explore posts in the same categories: Mga Santa at Santo sa Araw-Araw

Tags: , , , , , , , , , , , , , ,

You can comment below, or link to this permanent URL from your own site.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s


%d bloggers like this: