Archive for the ‘Mga Espesyal na Okasyon ng Simbahang Katolika’ category

Ang Birhen ng Guadalupe

December 12, 2011

Pintakasi para sa mga hindi pa naisisilang na sanggol at ng Buhay

Araw ng Kapistahan: Disyembre 8

Madaling-araw ng Sabado, ika-9 ng Disyembre 1531.  Mula sa kanyang nayon (Tolpetiac), isang Mehikanong balo ang naglalakad patungo sa kumbento ng mga Misyonerong Pransiskano sa Tlaltelolco upang magsimba at mag-aral ng katesismo.  Walang anu-ano’y nakarinig siya ng isang malambing na awit sa burol ng Tepeyac at ng isang tinig na tumawag sa kanya. “Juanito, Juan Diegito,” wika ng tinig, “saan ka paroroon?  Ako si Mariang Mahal, laging Birheng Ina ng Diyos na totoo.  Hinahangad kong magkaroon ng isang simbahan sa pook na ito bilang tanda ng aking pag-ibig, awa, pagtulong at paglingap.  Ipatupad mo ito sa obispo ng Mexico.”  Nagpunta si Juan Diego sa lunsod ng Mexico upang isalaysay lahat kay Obispo Juan Zumarraga ang kahilingan ng Birhen, subalit hindi siya pinaniwalaan ng obispo, bagkus ay hinigan siya ng katibayan.

Sa huling pagpapakita sa kanya noong Disyembre 12, inutusan si Juan Diego ng Mahal na Birhen na magtungo sa bundok upang kumha ng mga bulaklak kahit na hindi pa panahon ng mga ito upang sumibol.  Pagbalik niya, ang Mahal na Birhen na rin ang nag-ayos ng mga rosas sa kanyang damit o balabal na kung tawagin ay tilma (isang kayo na parang sako ng bigas).  “Anak ko,” wika n Mahal na Birhen, “ito ang katibayang dadalhin mo sa obispo.  Sa kanya mo lamang ilalahad ang iyong balabal.”  Kapagdaka’y nagtungo si Juan sa obispo sa patatlong pagkakataon.  Nang makita ng obispo ang kahanga-hangang mga rosas, siya’y biglang nanikluhod, sampu ng kanyang mga kasama, at nasaksihan nila ang isang himala — ang magandang larawan ng Birhen sa tilma ni Juan Diego!

Pagkaraan, sumunod naman ang tiyuhin ni Juan na si Juan Bernardino na pinagpakitaan din ng Mahal na Birhen upang ilathala ang nais na pangalan ng Birhen: “Santa Maria ng Guadalupe Laging Birhen” — Coatalocpia sa wikang Mehikano, na nangangahulugang “nag-iingat sa ahas”.

 

ARAL:

Pagnilayan natin ang mga katagang ito ng Mahal na Birhen: “Ako ay isang Inang maawain sa iyo at sa lahat ng tao sa ibabaw ng lupa na nagmamahal at nananalig sa akin at humihingi ng aking tulong.  Dinidinig ko ang kanilang paghihinagpis at inaaliw sila sa kanilang kalungkutan at pagtitiis.”

 

Source:

Abriol, J. C. (2010). Talambuhay ng mga Santo, volume 2 (3rd ed.). Pasay: Paulines Publishing House.

Ang Anunsasyon

March 25, 2011

Araw ng Kapistahan: 25 Marso

Liturhikal na kulay: puti

Sa Bibliya, matatagpuan sa: Lucas 1:26-38

 

Sa kapistahan ng Anunsasyon, o ang pagbabalita ng anghel kay Maria, ay dalawang dakilang katotohanan ang ating pinararangalan – ang pagkakatawang tao ng anak ng Diyos at ang pagiging ina ng Diyos ni Maria. Ang kapistahang ito, na ipinagdiriwang na simula pa noong ikapitong siglo, ay may kaugnayan sa Disyembre 25 — sa dahilang nagdadalang-tao si Maria, tulad ng ibang babae, sa loob na siyam na buwan.

Nang sumapit na ang takdang panahon upang magkatawang-tao na ang Mesiyas o Manunubos, pinili ng Diyos ang pinakamaganda at pinakabanal na babae sa lahi ni Haring David at sa kanya’y isinugo si Arkanghel San Gabriel.  “Aba, puspos ka ng grasya,” wika ni San Gabriel kay Maria, “ang Panginoon ay sumasaiyo; bukod kang pinagpala sa babaeng lahat.”  Nang marinig niya ang salita ito, siya’y nagitla at pinagdili-dili kung ano ang kahulugan ng gayong bati.  Datapwa’t sinabi sa kanya ng anghel: “Maria, huwag kang matakot, sapagkat naging kalugod-lugod ka sa mata ng Diyos.  Tingni, maglilihi ka at manganganak ng isang lalaki na tatawagin mong Jesus.  Siya’y magiging dakila, at tatawaging Anak na Kataas-taasan.”

Sinabi ni Maria: “Paanong mangyayari ito, gayong ako’y hindi nakakakilala ng lalaki?”  Sumagot ang anghel: “Bumaba sa iyo ang Espiritu Santo, at lililiman ka ng kapangyarihan ng kataas-taasan; kaya naman ang banal na ipanganganganak mo ay tatawaging Anak ng Diyos.”  At sumagot si Maria: “?”  Ang sagot niyang ito ay tinatawag na Fiat, isang salitang Latin na nangangahulugang “Maganap nawa”.

Nang pumayag na si Maria na maging ina, gumawa ang Diyos, sa pamamagitan ng isang himala, ng isang katawan sa kalinis-linisang tiyan ni Maria: naglihi sa Maria at nagkatawang-tao ang Diyos Anak.

Ang pagkakatawang-tao o Incarnacion ng Diyos Anak ay ating dinarakila araw-araw tuwing magdarasal tayo ng Angelus o Oracion.

 

Abriol, J. C. (2010). Talambuhay ng mga Santo, volume 2 (3rd ed.). Pasay: Paulines Publishing House.

Bennett, D. (2009). All About the Solemnity of the Annunciation. In ChurchYear.Net. Retrieved March 24, 2011, from http://www.churchyear.net/annunciation.html

 


Mga Espesyal na Okasyon ng Simbahan 2010

January 31, 2011

 

ENERO

1       Kapistahang ni Maria Bilang Ina ng Diyos

2       Ang Epifania o Ang Tatlong Hari

9       Ang Binyag ni Jesus

16     Piyesta ng Santo Niño

25     Ang Pagbabalik ni San Pablo Apostol

 

PEBRERO

2       Ang Presentasyon ng Panginoon sa Templo

22     Ang Luklukan ni San Pedro

 

MARSO

9       Ash Wed

25     Ang Anunsyasyon

 

ABRIL

17     Linggo ng Palaspas

21     Huwebes Santo

22     Biyernes Santo

23     Black Sat

24     Pasko ng Muling Pagkabuhay ni Jesus

 

MAYO

1       Divine Mercy Sun

31     Ang Pagdalaw ng Birhen kay Santa Isabel

 

HUNYO

5       Ang Pag-akyat ni Jesus sa Langit

12     Pentekostes

19     Ang Banal na Santisima Trinidad

26     Ang Banal na Katawan at Dugo ni Jesus

 

HULYO

1       Ang Mahal na Puso ni Jesus

2       Ang Immaculadang Puso ni Maria

 

AGOSTO

6       Ang Tranpigurasyon

15     Ang Asunsyon ni Maria sa Langit

 

SETYEMBRE

8       Ang Kapanganakan ni Maria

 

OKTUBRE

Buwan ng Santo Rosaryo

 

NOBYEMBRE

1       Araw ng Mga Santo

20     Kristong Hari

27     Unang Linggo ng Adbiyento

 

DISYEMBRE

8       Ang Immaculada Concepcion

25     Ang Kapanganakan ni Jesus

 

 

 

Ang Epifania o Ang Tatlong Hari

January 3, 2011

Araw ng Kapistahan: Linggo matapos ang Kapistahan ni Maria Bilang Ina ng Diyos

 

Daan-daang taon bago isinilang si Cristo, malaganap na sa Babylonia at Persia ang mga hula tungkol sa Mesiyas o Manunubos.  Mula sa Silanganan ay dumating ang tatlong Mago sa Jerusalem, at nagtanong kay Haring Herodes: “Saan naroon ang ipinanganak na hari ng mga Hudyo?  Sapagkat nakita namin sa Silangan ang Kanyang tala at naparito kami upang Siya’y sambahin.”

“Pumaroon kayo sa Belen ng Judah,” wika ni Herodes, “at pagsikapang hanapin ang sanggol; kung Siya’y matagpuan ninyo, ipagbigay-alam sa akin, upang makaparoon naman ako at makasamba sa Kanya.”  Paglabas ng mga Mago sa Jerusalem, nakita nilang muli ang liwanag ng tala na kanilang sinundan hanggang sa Balan.  Natagpuan nila ang Sanggol na Diyos; buong pananampalataya at pag-ibig silang nagpatirapa at sumamba kay Jesus.

Ang salitang Mago ay salitang Persian na ang ibig sabihin ay “saserdote” o “paring tagapayo ng mga hari”, at kilalang marurunong at mga pantas.  Wika ni San Beda (siglo 8): “Ang una ay si Melchor, matanda, ang nag-alay ng ginto; si Gaspar ang bata, insenso ang handog niya; si Baltazar, negro, ang nag-alay ng mira.”

Ang pista ng Epifania (salitang Griyego na nangangahulugang “pagpapahayag”) ay isa sa pinakamatandang kapistahan o kasayahan ng Simbahan.  Noong una, sa araw na ito’y magkasamang ipinagdiriwang ang Pasko ng Panganganak at ang Pagbibinyag kay Jesus sa ilog ng Jordan.  Nang malaunan, isinama rin ang pagpapahayag Niya sa Kasalan sa Galilea at ang pagpapahayag sa tatlong Haring Mago.  Noong ikaapat na dantaon, inihiwalay ang kapistahan ng Pasko na itinakda sa Disyembre.

 

ARAL:

“Matatagpuan natin si Jesus sa dalawang paraan – sa kababaang-loob ng mga pastol at sa karunungan ng Tatlong Mago.  Hindi matatagpuan si Jesus kung di natin itutungo ang ating palalong isipan, at hindi Siya makikilala kung di tutuklas ng tunay na karunungan.”

– F. J. Sheen


Abriol, J. C. (2010). Talambuhay ng mga Santo, volume 2 (3rd ed.). Pasay: Paulines Publishing House.

 

 

 

Kapistahan ni Maria Bilang Ina ng Diyos

January 1, 2011

Araw ng Kapistahan: January 1

 

Ayon sa bagong kalendaryo ng Concilio Vaticano II, ipinagdiriwang sa araw na ito ang kapistahan ng Mahal na Birhen bilang Ina ng Diyos.  Ang sanggol na isinilang ni Maria ay nagtataglay ng dalawang kalikasan at kalooban ng tao at ng Diyos, ngunit iisa lamang ang Persona, na walang iba kundi ang Diyos Anak na nagkatawang-tao.  Kaya tinawag siyang Ina ng Diyos.  Katulad iyan ng babaeng nagsilang sa atin: katawan lamang ang ibinigay hindi ang kaluluwa, ngunit siya ay tinatawag nating ina.  Bagaman ang nanggaling kay Maria ay pagkatao lamang, hindi ang pagka-Diyos, gayon man tinatagurian siyang Ina ng Diyos.

Dahil sa katangi-tanging karangalang ito, tumutulong si Maria sa gawang pagtubos ng kanyang Anak.  Kaya siya ay naging Ina ng lahat ng tao, at tagapamagitan ng mga biyaya ng Diyos.

Samakatuwid, nararapat na parangalan siya at tularan ang kanyang kabanalan upang makamit ang kanyang awa at kalinga.

Ginugunita rin natin sa araw na ito ang paglalagay ng pangalan sa sanggol na Diyos sa pamamagitan ng seremonya ng Pagsusunat.  Sa Genesis 17:10 ay mababasa ang Kasunduan ng Diyos at ni Abraham na susunatin ang bawat lalaki na may walong araw.

Kaya’t simula noon ang lahat ng mga sanggol na lalaki sa mga Hudyo ay ginagawan ng ganitong seremonya, na siyang pinakabinyag ng mga Hudyo na pumapawi ng kasalanang orihinal at nagiging tanda na sila’y pumapasok sa bayang pinili ng Diyos.  Noong ikawalong araw ay sinunat si Jesus, bilang isang mabuting Hudyong sumusunod sa Batas ni Moises.  Noong araw ding iyon ay binigyan ng pangalan ang sanggol, na dili’t iba ang pangalang ibinigay ng anghel kay Maria – Jesus, na ang ibig sabihin ay tagapagligtas o manunubos.

 

ARAL:

Sa araw na ito ng Bagong Taon, isipin natin na sa bawat taong lumilipas, lalo tayong nalalapit sa kamatayan at sa Diyos.  Tayo kaya’y handang humarap sa Kanya kahit anong sandal o araw?  Huwag nating aksayahin ang panahon.  Ang panahon ay di lamang ginto; sa panahon ay mabibili natin ang buhay na walang hanggan, at makakamtan ang Diyos.


Source:

Abriol, J. C. (2010). Talambuhay ng mga Santo, volume 2 (3rd ed.). Pasay: Paulines Publishing House.

 

 

 

Sagrada Familia

December 26, 2010

Araw ng Kapistahan: Linggo pagkatapos ng Pasko

 

Ang pamilya ni Jose, Maria at Jesus ay banal dahil ang Espiritu Santo ay nananahan sa kanila.

Si Jose, isang karpintero, ay naging mabuting asawa at responsableng ama.  Buong puso siyang tumalima sa kalooban ng Ama: “Mga lalaki, ibigin ninyo ang inyu-inyong asawa, at huwag silang pagmamalupitan.  Mga ama, huwag ninyong kagagalitan nang labis ang inyong mga anak, at baka manghina ang kanilang loob” (Mga taga-Colosas 3:19, 21).  Si Maria, ang birheng ina ni Jesus, ay naging mapagmahal na asawa at maarugang ina.  Inasikaso niya ang kanyang pamilya at sumunod siya kalooban ng Diyos: “Mga babae, pasakop kayo sa inyu-inyong asawa, sapagkat iyan ang kalooban ng Panginoon.”  Sa pangangalaga ni Jose at Maria, si Jesus ay lumaking masunurin; umunlad ang Kanyang karunungan at lalo Siyang kinalugdan ng Diyos at ng mga tao (Luke 2:51-52).

Nakaranas ng kahirapan at pang-uusig ang pamilya ni Jesus.  Pagkaalis ng mga Mago, nagpakita ang anghel ng Diyos kay Jose sa panaginip, at nagwika: “Magbangon ka, dalhin mo agad sa Egipto ang mag-ina.  At huwag kayong aalis doon hangga’t hindi ko sinasabi sa iyo, sapagkat hahanapin ni Herodes ang sanggol upang patayin.” Kaya’t dali-daling bumangon si Jose upang itakas ang kanyang pamilya patungong Egipto.  Nang mamatay si Herodes, nagpakitang muli ang anghel ng Diyos kay Jose sa panaginip upang ibalita ito sa kanya.  Bumangon si Jose at iniuwi ang kanyang pamilya sa Nazaret, sa Galilea, kung saan sila’y nanirahan.

Ang Immaculada Concepcion

December 8, 2010

Pintakasi ng Pilipinas

Araw ng Kapistahan: Disyembre 8

Ipinagugunita sa atin ng pistang ito ng Kalinis-linisang Paglilihi kay Maria ang katotohanang ang kaluluwa ni Maria buhat pa nang lalangain ng Maykapal at isama sa kanyang katawan, sa tiyan pa lamang ng kanyang ina na si Santa Ana, ay ‘di nabahiran ng salang mana (original sin) na minamana ng lahat ng tao.  Ang pistang ito na dating kilala sa pangalang “Paglilihi ni Santa Ana” ay galling sa mga taga-Silangan mula pa noong ikapitong dantaon; ito’y lumaganap sa Europa mula sa bansang Ireland noong ikasiyam na siglo.  Ang araw na ipinagdiriwang ang katotohanang ito ay Disyembre 8, upang makaugnay ng Setyembre 8, ang kapanganakan ng Birhen – siyam na buwan pagkaraan ng paglilihi sa kanya.  Ipinalaganap sa buong daigdig ang pistang ito ni Papa Sixto IV noong 1476.  Hinirang naman ni Haring Felipe IV ng Espanya na ito’y maging pistang pangolin sa bansang iyon.

Noong ika-8 ng Disyembre, 1854, sa harap ng 54 kardinal, 42 arsobispo, 92 obispo at ng ‘di mabilang na debotong galling sa iba’t ibang panig ng daigdig, ay tiniyak at ipinag-utos ng Papa Pio IX ang pagsampalataya sa katotohanan o dogma ng KALINIS-LINISANG PAGLILIHI KAY MARIA (IMMACULADA CONCEPCION).  Noong 1830 sa Paris, ipinahayag ng Birhen na “siya’y ipinaglihing ‘di nagmana ng kasalanang orihinal” at sa kanya natupad ang pangako ng Diyos na yuyurakin ng isang babae ang ulo ng ahas.  Sa bayan ng Lourdes, nasaksihan ng daigdig ang himala ng Birhen na nagsasabing siya ang “Immaculada Concepcion” noong 1858.  Ang matamis na taguring ito ng Mahal na Ina, na siyang kauna-unahang biyayang tinanggapn ni Maria sa Diyos, ay pintakasi ng ating bayang Pilipinas.

ARAL:

Alang-alang sa kalinisan ni Maria, gabi-gabi bago matulog at sa umaga pagkagising, magdasal ng tatlong “Aba Ginoong Maria”.  Upang makamtan ang tulong ni Maria, tularan ang kanyang kalinisan – sa isipan, wika at gawa.

Source:

Abriol, J. C. (2010). Talambuhay ng mga Santo, volume 2 (3rd ed.). Pasay: Paulines Publishing House.